Tiniyak ng Department of National Defense (DND) na kontrolado ng Pamahalaan ang sitwasyong pangseguridad ng bansa at mahigpit itong binabantayan.
Ito ang tugon ng kagawaran sa inilabas na Travel Advisory ng Japan sa kanilang mamamayan dahil sa impormasyon ng pag-atake umano ng mga terrorista sa Timog-Silangang Asya.
Ayon kay Defense Spokesman Dir. Arsenio Andolong, mula pa nang sumiklab ang rebelyon sa Marawi ay hindi aniya ibinaba ng Pamahalaan ang alerto nito magpahanggang sa kasalukuyan.
Palagian din aniya ang ginagawang assessment ng Anti – Terrorism Council sa lahat ng banta o impormasyong kanilang natatanggap mula sa intellegence community.
Lahat aniya ng mga ito ay dumaraan naman sa mabusising beripikasyon at validation kaya’t makaaasa ang publiko na napigilan na ang anumang pagtatangka bago pa man ito sumiklab. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)