Kinalma ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang publiko sa mga pangamba kaugnay ng panukalang car pooling o car sharing na napagkasunduan sa Metro Manila Council Meeting.
Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, bagama’t nagustuhan ng mga Metro Manila mayors ang ideya ng car pooling ay tiniyak nito na mahigpit nila itong pag-aaralan lalo’t ilang mga loop holes o butas sa panukala ang nasilip.
Paliwanag ni Pialago, nais ng mga Metro Manila mayors na matiyak munang sapat ang mga tauhan ng MMDA para sa implementasyon ng panukala, makabuo ng paraan na tutukoy sa mga Uber o Grab at hindi ito magagamit bilang negosyo o makahikayat ng kolorum.
Gayunman naniniwala ang MMDA na malaki ang maitutulong ng car pooling para mabawasan ang mga pribadong sasakyan na bumibiyahe sa EDSA.
Sa nasabing panukala, hindi na maaaring dumaan ng EDSA ang mga pribadong sasakyan na isa lamang ang sakay habang magiging exempted naman sa number coding ang mga kotseng may tatlong pasahero o higit pa.
“78 percent ng dumadaan ng EDSA ay mag-isa lang sa kanilang sasakyan, pero kumukunsumo sila ng space, sa volume, sa time na sana po yung isang bus nga po ang laman nun 60 pero ang isang sasakyan, isa ka lang, pero dumadagdag ka doon sa 300,000 to 400,000 na dumadaan sa EDSA every day, why don’t you share a seat? ‘yan po ang programa ng car pooling.” Pahayag ni Pialago
(Ratsada Balita Interview)