Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa mga personal na accounts, mapa-social media man o financial-related accounts, gaya ng credit card.
Ito’y ayon sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Pambansang Pulisya, matapos na ma-hack ang credit card account ni Senador Sherwin Gatchalian at mawalan ng P1-milyon.
Ayon kay ACG Director Police Brigadier General Marvin Pepino, hindi basta-basta mapapasok ng mga hacker nang hindi nalalaman ng mga account holder nito.
Paliwanag pa ni Pepino, may iba’t ibang security features ang mga bank accounts ng mga bangko, at hindi ito pumapayag na mahingi ang mga personal na impormasyon via online ng kanilang mga kliyente gaya ng One-Time-Password (OTP).
Giit ni Pepino, bagamat obligasyon ng pamunuan ng bangko na tiyaking ligtas o ‘secured’ ang mga account ng mga kliyente nito, dapat din aniya na maging mapagmatyag ang publiko at siguruhing ligtas sa ‘hacking’ ang kani-kanilang mga financial related accounts.
Kaugnay nito, payo ni Pepino, oras na masigurong may kahina-hinalang mga transaksyon sa mga financial accounts, nararapat aniya na agad na magreport sa pamunuan ng bangko para marekober agad ang na-hack na account.