Muling binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga indibidwal na nagpapaturok na ng booster shots na hindi umano mananagot ang pamahalaan sakaling makaranas sila ng negatibong reaksyon.
Iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa pinapayagan ang Emergency Use Authorization ng booster shots at labag umano sa national protocols ang maagang pagpapaturok nito.
Sakali anyang magkaroon ng negative adverse effects ay walang ibang mananagot kundi ang mga nagturok at kumuhang mga bakuna.
Hinikayat naman ni Vergeire ang publiko na hintayin ang guidelines mula sa pamahalaan bago magpaturok ng booster upang maging ligtas at epektibo para sa mga mamamayan. —sa panulat ni Drew Nacino