Muling pina-alalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na iwasan ang mga unsecured Wi-Fi hotspot at i-set ang mga cellphone upang hindi agad otomatikong kumonekta sa external sources.
Kasunod ito ng insidente ng unauthorized transfers mula BDO Unibank accounts patungo sa unionbank accounts ng isang nagngangalang “Mark Nagoyo.”
Hinimok din ng PNP ang social media users na maging maingat sa pag-”accept” sa mga hindi kilalang nagpapadala ng friend requests dahil kadalasang gumagawa ang cyber criminals ng dummy account upang makipagkaibigan sa mga potensyal na biktima.
Nagpapasa rin ang cyber-criminals ng mga email na may infected attachments o malware kaya’t pinayuhan ng PNP ang publiko na iwasang tumugon sa mga mensaheng ito.
Binalaan din ng pambansang pulisya ang publiko sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon, lalo na ng contact at bank details at inabisuhang limitahan ang paggamit ng contact numbers online.