Muling pinayuhan ng Department of Health ang publiko na sumunod sa minimum health standards kasama ang pagsusuot ng angkop na face mask at pagbabakuna at boosters upang mapababa ang Covid-19 cases, lalo’t may mga na-detect na bagong subvariant.
Sa kabila ito ng desisyon ng Cebu Provincial Government na gawin na lamang “optional” ang pagsusuot ng face mask sa outdoor open space maliban kung ang isang indibidwal ay may simtomas ng Covid-19.
Ayon sa DOH, suportado ng siyensya ang paggamit ng face masks sa pagbawas ng hawaan hindi lamang sa covid-19 kundi sa iba pang infectious at respiratory diseases, tulad ng monkeypox sakaling makapasok ito sa bansa.
Ipinunto ng kagawaran na ang mga kasalukuyang protocol ng IATF ay nagbibigay-daan lamang para sa mga partikular na pagkakataon kung kailan maaaring tanggalin ang face mask, tulad ng kapag kumakain.
Binigyang-diin ng DOH na nananatili ang banta ng Covid-19 at hindi pa tapos ang pandemya at maaari pa ring makakuha ng virus ang mga tao, lalo na ang mayroong mga mahinang immune system.