Hindi pa dapat maging panatag ang publiko sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kabila nang pagpapatupad ng bahagyang maluwag na klasipikasyon ng community quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Roque, kinakailangang patuloy na sundin ng lahat ang inilatag na panuntunan ng pamahalaan bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19.
Pinaalalahanan din ni Roque ang mga nagtutungo ng mall na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na quarantine protocols tulad ng social o physical distancing.
Kasunod naman ito ng mga ulat na tila ipinagwalang bahala at ganap na nakalimutan ng mga tao ang pagkakaroroon ng social distancing sa pagtungo sa mga muling binuksan na mga mall.
Binigyang diin ni Roque, unti-unting niluwagan ang ipinatutupad na restrictions laban sa COVID-19 hindi dahil ligtas nang lumabas ng mga tahanan kundi upang mabuksan at makabawi ang ekonomiya ng bansa.