Nagbabala ang Philippine Association of Flour Millers sa pagkalat ng adulterated flour sa pamilihan.
Ayon kay Ric Pinca, Pangulo ng Philippine Association of Flour Millers, na-report na nila ang bagay na ito sa Department of Trade and Industry (DTI) at maging sa Food and Drug Administration o FDA subalit hindi ito naaksyunan.
Kamakailan lamang aniya ay kasama sila ng PNP-CIDG sa pag-raid sa isang warehouse kung saan naaktuhan ang paghahalo ng mumurahing imported na harina sa de kalidad ng harina mula sa mga kilalang flour millers.
“We would like to warn the public of some adulterated flour that is available in the market, isinasama sa local flour, ini-report ko din yan kay Director Dimagiba, and to BFAD, pero as usual ang BFAD ay wala ding ginawa.” Ani Pinca.
Imbestigasyon sa presyo ng harina
Bukas naman ang Philippine Association of Flour Millers sa pinalawak pang imbestigasyon ng DTI o Department of Trade and Industry at NBI o National Bureau of Investigation sa hindi bumababang presyo ng harina sa kabila ng pagbaba ng presyo nito sa World Market.
Ayon kay Ric Pinca, Pangulo ng Philippine Association of Flour Millers, nasorpresa sila sa alegasyon ng DTI na posibleng may sabwatan ang flour millers at mga bakers kaya’t hindi nag-ro rollback ang presyo ng tinapay.
Binigyang diin ni Pinca na mabibili sa P750 hanggang P900 ang hard flour o yung ginagamit sa mga tinapay depende sa klase at P520 hanggang P700 naman ang sa soft flour o yung ginagamit sa mga pastries at cake.
Sinabi ni Pinca na kaya mahal ang namo-monitor na presyo ng harina ng DTI ay dahil kuha ito sa mga palengke kung saan tingi-tingi na ang bentahan ng harina.
“There are 17 flour mills in the country now, marami na at mayroon pang 2 bagong itinatayo, so from there alone you will see that there is so much competition, and to compete in that market you have to price your product low, and compete for that very small market that hasn’t grown at all anyway, nagtataka nga ako kung bakit kami ang napapansin eh.” Pahayag ni Pinca.
By Len Aguirre | Ratsada Balita