Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa leptospirosis na nakukuha mula sa tubig-baha ngayong tag-ulan.
Ayon kay DOH director for promotion and communication services, Dr. Beverly Ho, makabubuting iwasan ang pagbabad sa baha kung may sugat.
Sakali naman aniyang hindi ito maiwasan, pinapayuhang agad na magpatingin sa medical professional para maresitahan ng post-exposure prophylaxis kung kinakailangan.
Ang leptospirosis ay isang water borne na sakit na dulot ng leptospira bacteria na maaaring makapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng sugat.
Nagmumula ang leptospira bacteria sa ihi ng infected na hayop lalo na ng daga.
May incubation period na pito hanggang sampung araw ang leptospirosis kung saan kabilang sa sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo at minsan pamumula ng mga mata.
Habang maaari namang makaapekto sa atay, bato at utak ang malalang kaso ng leptospirosis na posibleng ring mauwi sa kamatayan.