Pinayuhan ni National Bureau of Investigation (NBI) chief Victor Lorenzo ang publiko na huwag pansinin ang mga spam at scam test messages na natatanggap kaugnay sa trabahong inaalok ng iba’t ibang kumpanya.
Ito’y matapos na magpahayag ng pagkainis sa social media ang mga nakatanggap ng naturang mensahe na inaakalang sa contact tracing forms umano nakuha ng mga scammer ang kanilang numero.
Paliwanag ni Lorenzo, mahirap para sa mga scammer na makipagsabwatan sa mga nangangasiwa ng contact tracing forms na kumuha ng personal na impormasyon ng mga tao.
Kaugnay nito, sinabi ng hepe na posibleng sa mga nada-download na aplikasyon nakukuha ng mga scammer ang mga numero matapos na magrehistro.