Pinag-iingat ng isang mambabatas ang publiko laban sa mga naglipanang pekeng gamot na ibinebenta mismo sa mga lehitimong botika.
Ayon kay Cebu Representative Gerald Anthony Gullas, hindi dapat tumigil ang mga otoridad sa pagtugis sa sinumang gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng gamot na lubhang mapanganib sa mga pasyente.
Magugunitang nakakumpiska ng kahon-kahong pekeng gamot sa mga botika ang NBI sa Cebu, Mandaue, Talisay at Naga.
Wala aniyang pinagkaiba ang hitsura nito sa mga lehitimong gamot na nabibili sa merkado ngunit napag-alamang harina lamang ang laman nito.
Dahil dito, pinakikilos ng mambabatas ang Food and Drugs Administration (FDA) para mapanagot ang mga botikang nagbebenta ng pekeng gamot.
By Jaymark Dagala