Pinayuhan ni Ateneo de Manila University Economics Professor Alvin Ang ang publiko na huwag mag-panic sa nararanasang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ito ay sa harap ng pagsipa ng inflation sa 5.7 percent para sa buwan ng Hulyo na mas mataas sa 5.2 percent noong Hunyo.
Ipinaliwanag ni Ang na nakakapag-ambag din sa pagtaas ng presyo ng bilihin ang pag-iisip ng publiko na tataas pa ang presyo na tinatawag aniya nilang inflation expectation.
“Kung ito po ay titignang alarming ay lalong lalala, ang kalaban natin dito ay ang tinatawag na expectation, kailangan ang mamamayan ay magkaroon ng kumpiyansa na ito ay hindi na tataas pa o kaya ‘yung dahilan na akala nila ay nagpapataas kulang kasi sa perception ng supply kaya kailangan ng maraming supply, kung kampante ka na ay ‘di na ‘yan tataas.” Ani Ang
Kaugnay nito, sinabi ni ang na malaki ang maitutulong para mabawasan ang pag-aalala ng publiko kung magiging bukas ang pamahalaan sa pagpapaliwanag sa tunay na estado ng bansa at ipaalam ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno para solusyunan ang mga problemang pang ekonomiya.
“Napakalaki pong papel ng tamang impormasyon na ang pamahalaan ay maging isa ang boses sabihin kung ano ba ang kalagayan, ano ang puwedeng gawin o maitutulong ng bawat isa upang hindi maalarma ang mga tao, habang ginagawa ang mga hakbang.” Pahayag ni Ang
TRAIN Law
Hindi dapat isisi sa tax reform for acceleration ang inclusion o TRAIN Law ang pagsipa ng inflation nitong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Ateneo de Manila University Economics Professor Alvin Ang, maliit na bahagi lamang ang kinalaman ng TRAIN sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Binigyang diin ng ekonomista na nakaapekto ng higit sa inflation ang pagtaas ng presyo ng krudo sa world market at ang paghina ng piso kontra dolyar.
“Hindi ito purely dahil sa TRAIN, hindi natin naintindihan ang epekto ng TRAIN kaya lahat ng agam-agam pumasok na at sinisi ang TRAIN, timing ang issue dun eh hindi ‘yung batas mismo.” Dagdag ni Ang
(Ratsada Balita Interview)