Problemado ngayon ang publiko dahil sa mataas na bilihin sa merkado bunsod ng mataas na presyo ng langis.
Hirap ngayon ang mga manggagawa kung papaano nila pagkakasyahin ang kanilang budget o kinikita sa kanilang pagtatrabaho.
Bukod kasi sa pagkain, problema din kung saan, kukuha ng pambayad ng tubig at ilaw ang mga manggagawa.
Dagdag din sa kanilang iniisip ang mataas na singil sa pampublikong transportasyon bunsod ng mataas na singil sa produktong petrolyo.
Ayon kay Aiza Sarip, sa gulay na lamang kumakapit ang kanilang pamilya at hindi na sila makapag-ulam ng karne at isda para sa anim na miyembro ng kaniyang pamilya.
Doble-kayod din ang single mom na si Anna Florez na pinagsasabay na ang pagigng kasambahay, labandera at pag-extra sa mga karinderya para may maipakain sa apat na anak.
Nasa P100 lang ang kaya nilang budget para sa buong araw lalo’t nag-aaral pa ang kanyang mga anak.
Umaasa naman ang mga manggagawa na masusulusyonan ng gobyerno ang pinaka malaking problema ngayon ng bansa. — sa panulat ni Angelica Doctolero