Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City sa publiko na mag-ingat at protektahan ang sarili mula sa haze na dulot ng mga nasusunog na kagubatan sa Indonesia.
Ang babala ay inilabas sa pamamagitan ng air quality advisory kasunod na rin ng pinakahuling sample na nakuha ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ukol sa kalidad ng hangin sa lungsod.
Dahil dito, iminungkahi ni Atty. Carlo Gomez ng Puerto Princesa City Environment and Natural Resources office ang pagsusuot ng mga face mask o eye goggles upang maproteksiyunan nila ang kanilang mga sarili laban sa polusyon na makukuha sa hangin.
Pinayuhan din ng mga otoridad ang mga residente na iwasan munang mag-jogging at tumakbo sa labas dahil posibleng malanghap nila at pumasok sa kanilang baga ang mga pollutant.