Marami mang natatakot dito, itinuturing pa rin itong delicacy, partikular na sa United Kingdom at Ireland. Ito ang black pudding, isang pagkaing gawa sa dugo ng baboy.
Tinatawag man bilang pudding, hindi ito katulad ng nakasanayan nating dessert dahil isa itong uri ng blood sausage.
Isa ang blood pudding sa oldest forms ng sausage. Upang hindi masayang ang dugo ng mga kinakatay na hayop, ginagawa itong sangkap ng sausage. Kabilang sa mga hayop na kinukuhaan ng dugo para dito ang baboy, tupa, at baka.
Kumakain ng black pudding kahit ang mga miyembro ng British nobility noong 15th century, partikular na ang sausage na gawa sa dugo ng porpoise.
Sa kasalukuyan, ginagawa ang black pudding gamit ang dried pig blood dahil mas masarap ito kumpara sa liquid blood. Hinahaluan ito ng durog na breadcrumbs na siyang nagbibigay rito ng fluffy texture.
Pagdating naman sa gagamiting karne ng baboy, kailangang tiyakin na wala itong taba. Hihiwain ito in chunks at ilalagay sa isang net bag kung saan ito pakukuluan kasama ang barley ng isang oras.
Sa isang mixer, ipaghahalo na ang dried pig blood at ang karne kung saan ito lalagyan ng onion paste.
Kapag kulay chocolate na ang mixture, maaari na itong isalin sa malinis na bituka ng baboy na magsisilbi bilang sausage casing.
Ilalagay sa isang barrel ang lahat ng nagawang sausage, kung saan ito pakukuluan ng isang oras. Matapos nito, pwede na ilapag sa cooling racks ang sausages na kung titignan, mukhang black chocolate.
Pwede na itong kainin matapos initin.
Ayon sa mga nakakain na ng black pudding, mayroon itong strong earthy flavor na may pagka-meaty at nutty. Maalat ito at lasang metallic dahil na rin sa dugo.
Repulsive at nasty man ito kung ilarawan ng foreigners, malaking parte ng kultura at kasaysayan ng Europa ang black pudding.
Ikaw, susubukan mo bang kumain ng pudding na gawa sa dugo?