Pamilyar ka ba sa Nido Soup?
Ito ang Filipino version ng Chinese Bird’s Nest Soup. Gawa ito sa pugad ng ibong swiftlet.
Sa Amerika, higit sa $100 o P5,500 ang presyo ng isang bowl ng Bird’s Nest Soup. Ang mahal, ‘di ba?
Ito ay dahil mahal din ang pugad na main ingredient nito na nagkakahalaga kada kilo ng $5,000 hanggang $10,000 o tumataginting na P270,000 hanggang P550,000. Dahil sa presyo nito, tinatatawag ang Bird’s Nest Soup bilang “Caviar of the East.”
Ayon sa Traditional Chinese Medicine, nakatutulong ang Bird’s Nest Soup sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan at magandang kutis. Naniniwala rin silang magpapagaling ito ng cancer. Dahil sa medicinal properties nito, naging mataas ang demand ng Bird’s Nest Soup.
Tatlong beses sa isang taon, gumagawa ng pugad ang swiftlet o balinsasayaw gamit ang kanilang laway.
Delikado ang pangongolekta ng pugad ng balinsasayaw dahil napakataas ng kinalalagyan nito sa mga kweba at bangin; ngunit para sa karamihan, sulit ang kanilang paghihirap.
Sa Pilipinas, matatagpuan sa El Nido, Palawan, ang napakaraming pugad ng balinsasayaw. Sa katunayan, dito nakuha ng lugar ang pangalan nito na nangangahulugang “The Nest.”
Hindi naman basta lang maaaring kumuha ng pugad ng balinsasayaw sa El Nido at sa iba pang parte ng Palawan dahil kailangan munang makakuha ng permit mula sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) upang maprotektahan ang lugar at ang populasyon ng ibon.
Kahit napakamahal, walang lasa ang Bird’s Nest Soup na kadalasang inihahalintulad sa gulaman. Gayunman, napalalakas nito ang metabolism at resistance ng sinumang kumain nito, kaya hanggang ngayon, hinahanap-hanap pa rin ang putaheng ito sa buong mundo.