Ito ang napatunayan nang mainit na sinalubong ng libo- libong Tarlakenyo si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kasama ang buong slate ng UniTeam na isang malaking sorpresa sa kasaysayan ng 2022 national elections.
Ang pagbisita ng UniTeam ay isang linggo halos mula nang magpakita sa publiko si Kris Aquino upang i-endorso si Leni Robredo na nagsabing ang kanilang lalawigan ay nananatiling dilaw.
Marami naman ang nagulat nang maglabasan sa kalsada ang mga Tarlakenyo upang ipakita ang mainit nilang pagsalubong kay Marcos na nagsagawa ng caravan.
Ang motorcade na dapat sana’y matatapos lamang ng ilang minuto ay tumagal ng halos dalawang oras dahil sa hanay ng libong bilang na tagasuporta na kumaway, nakisigaw, nakipagkamay, nakipag-selfie, groupie, nag-facebook live at naglulundag sa galak nang makita nang personal ang running-mate ni Inday Sara Duterte.
Usad-pagong ang caravan dahil sa kapal ng tao sa kalsada na hindi inalintana ang init ng panahon likha ng mataas na sikat ng araw.
Isang lalaki na dating ‘Kakampink ‘ ang naglabas ng kanyang placard na may nakasulat na ‘Ex-Kakampink 4 BBM-Sara.’
“BBM!, BBM, BBM!” sama-samang sigaw ng mga taga-Tarlac sabay taas ng kani-kanilang mga kamay na naka-V (peace) sign. A
Kasabay nito, dinaluhan ni Marcos at ng UniTeam ang mini-rally na inihanda ni Tarlac City Mayor Cristy Angeles at iba pang lokal na opisyal.
Sa kanyang talumpati, hindi maiwasan ni Marcos na maibulalas ang labis na pagkamangha at paghanga sa mainit na salubong sa kanya ng mga taga-Tarlac.
“Iba pala dito sa Tarlac. Ang nakalagay sa schedule namin mini-rally daw ito. Ito pala’y mini-rally lang sa inyo ito,” ani Marcos.
Pinasalamatan ni Marcos ang Tarlaqueños sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa UniTeam, gayundin ang maluwag na pagtanggap sa panawagan nilang pagkakaisa sa buong bansa.
“Maraming, maraming salamat sa inyong napakainit na salubong na ibinigay ninyo sa UniTeam, sa tambalang Marcos-Duterte,” wika pa ni Marco.
Ilang beses nahinto ang pagsasalita ni Marcos dahil ang panay ang sigaw ng mga tao sa rally ng “BBM!, BBM!, BBM!”
Higit na nakapangingilabot nang isigaw din ng mga ito ang “Panalo ka na!, Panalo ka na!”
Matapos ang mini-rally, hinarap ni Marcos ang iba’t ibang sectoral representative sa Tarlac upang personal na marinig ang iba’t ibang karaingan at pangangailangan ng naturang probinsiya.
Nitong nagdaang Biyernes ng gabi ay naging matagumpay din ang isinagawang ‘miting de avance’ ng BBM-Sara UniTeam para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nakabase sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Sa pamamagitan ng zoom at presensiya ng mga OFWs, si Marcos ay nasa Hilton Hotel sa Pasay City.
Inihayag ni Marcos sa tagpong ito ang kanyang mga plano upang higit pang mapabuti ang buhay, kalagayan at pangangailangan ng pamilya ng bawat OFWs.