Arestado ang isang aktibong pulis at apat na kasabwat nito sa ikinasang entrapment operation ng mga otoridad matapos masangkot sa robbery extortion ng isang chinese national sa Makati City.
Kinilala ang mga nadakip na sina PO2 Jaycee Abana ng Makati Police Vehicle Traffic Investigation Unit, magkakapatid na sina Mohalil, Nuhamad at Mahalem Macapundag at isang Wenceslao Sevellejo.
Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, pinara ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktimang sina Changbo Fang at Fang Zhang Bao malapit sa isang mall sa Makati.
Dito aniya tinutukan ng baril ang mga ito at kinuha ang kanilang mga cash.
Maswerte namang nakatakbo ang biktimang si Bao habang inutusan naman ng mga suspek si Fang na tawagan ang kanyang pamilya at hingan ng isang milyong piso kapalit ng kanyang kalayaan.
Nang magkasundo na sa 80,000 pesos na ransom, nag-report na sa pulisya ang pamilya ng biktima at saka nagkasa ng entrapment kung saan nadakip ang mga suspek.
Narekober sa suspek na pulis ang kanyang service firearm, isang 9 millimeter glock pistol, 80,000 pesos na ransom money at 8,000 pisong cash na naunang nakuha sa mga biktima.