Hindi ang 17 anyos na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos ang nakuhanan sa CCTV na kinakaladkad ng mga pulis sa Caloocan.
Ito ang inihayag ng isa sa mga Caloocan police na isinailalim sa preventive suspension sa nagpapatuloy na pagdinig ng senado kaugnay sa pagkakapatay kay Kian Loyd.
Kinumpirma ni PO1 Jerwin Cruz na sila ni PO1 Jeremias Pereda ang mga pulis na nasa CCTV ngunit ‘asset’ lamang aniya nila ang kanilang kasama sa nasabing footage.
Depensa ni Cruz, kaya nila binitbit ang naturang asset ay para i-cover ito, dahil ayaw aniya nitong makilalang may kasamang mga pulis para maproteksyunan ang sarili.
Habang tumanggi namang sumagot si PO3 Arnel Oares sa mga tanong sa senate hearing.
Base sa ballistic examination, nag-matched ang basyo ng baril na nakita sa katawan ni Kian sa baril ni Oares.
Sina PO1 Jerwin Cruz, PO1 Jeremias Pereda at PO3 Arnel Oares, ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Kian Loyd noong Agosto 16.
Samantala, taliwas ang isiniwalat ni Cruz sa pahayag ni Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Alfegar Triambulo noong Martes.
Kung saan sinabi ni Triambulo na kinumpirma nina Cruz at Pereda sa mga imbestigador, na si Kian ang lalaking kinakaladkad sa nakitang CCTV footage.
Habang pinabulaanan naman ng testigo ng mga pulis na si Renato Loberas, isang drug suspect na iprinisenta ng mga pulis, na si Kian ang nakita sa nasabing footage.