Patay ang isang opisyal ng Parañaque City police at isang suspek matapos magka-barilan sa Barangay Baclaran sa lungsod.
Batay sa ulat, sinita ng tatlong miyembro ng Parañaque pulis ang dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo at walang helmet sa bahagi ng Unida at Dimasalang street.
Nang kakausapin na ang dalawa, bigla na lamang bumunot ng baril ang angkas na lalaki at nakipagbuno sa mga pulis habang nakatakas naman ang kasama nitong driver ng motorsiklo.
Nauwi sa barilan ang komosyon na dahilan ng pagkasawi ni Baclaran Police Community Precint Deputy Lt. Armand Melad at ng suspek na kinilalang si Moamar Sarif.
Sugatan naman ang isa pang pulis na si Corporal Allan Baltazar.
Samantala, narekober sa bag ng nasawing suspek ang ilang sachet ng shabu.
Ayon kay Parañaque Police Chief Col. Robin King Sarmiento, matagal nang nagbebenta ng iligal na droga ang nasawing suspek.
Patuloy naman aniyang pinaghahanap ang isa pang nakatakas na suspek na kinilalang si Joven Miña alyas Miro.