Arestado ng mga tauhan ng Integrity Monitoring & Enforcement Group ng Philippine National Police o PNP-IMEG ang isang pulis dahil sa paggamit nito ng nakaw na sasakyan.
Kinilala mismo ni PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ang nahuling pulis na si P/CMSgt. Allan Casañas na nakatalaga sa Police Security and Protection Group o PSPG sa Kampo Crame.
Naaresto si Casañas ng pinagsanib na pwersa ng IMEG-Region 4-A at ng PNP Highway Patrol Group sa bahagi ng Chipeco Avenue, Calamba City sa Laguna kagabi
Nakatunog ang IMEG na ginagamit ni Casañas ang isang nakaw na SUV na kasama sa kanilang wanted list kaya isinailalim nila ito sa surveillance.
Nakumpirma naman ng HPG sa kanilang Vehicle Registration Management System na taong 2012 pa napaulat na ninakaw ang naturang sasakyan.
Dahil sa walang maipakitang kaukulang dokumento si Casañas na magpapatunay na sa kanya nga ang sasakyan kaya’t inaresto na ito.
Kasalukuyan nang hawak ng IMEG 4-A si Casañas at ikinakasa na ang mga kaso laban sa kaniya habang isasailalim naman sa forensic investigation ng HPG ang naturang sasakyan.
Paalala naman ni Carlos sa mga Pulis na huwag na huwag gumamit ng mga nakaw na sasakyan upang makaiwas sa anumang aberya at masampahan pa ng kaso.