Isang pulis-Marikina ang arestado dahil sa pangongotong matapos ang entrapment operation sa Pasig City.
Kinilala ang suspek na si Corporal Marlo Quibete na nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD).
Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief, Major General Guillermo Eleazar, tinanggap ni Quibete ang 20,000 pesos sa entrapment operation ng NCRPO Regional Special Operations Unit sa kanto ng Evangelista at De La Paz Streets sa Barangay Santolan.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Eva Kilala, live-in partner ni Aries Ochoada na nahuli sa buy bust operation.
Bukod sa perang kinuha ng pulis na nasa 60,000 pesos ay kinuha rin nito ang gintong kuwintas ni Kilala habang ang motorsiklo ni Ochoada ay pilit na pinapirmahan ang deed of sale nito.
Hindi pa umano nakuntento ang pulis at humingi pa ng dagdag na pera kaya nagsumbong na si Kilala sa NCRPO.
Maliban kay Quibete, tinanggal din sa puwesto ang labing-apat pa niyang kasamahang pulis sa DDEU-EPD.
Inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa suspek habang posibleng mapatawan din ng kaparusahan ang iba pang miyembro ng nabanggit na police unit.
(May ulat mula kay Gilbert Perdez)