Handang iharap ng Philippine National Police (PNP) sa korte si Police Corporal Herjonner Soller, ang itinuturong bumaril sa 2 construction worker sa Marikina noong Oktubre na ikinasawi ng isa sa mga ito.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. General Bernard Banac, hindi nila kukunsintihin sakaling mapatunayang nagkaroon ng pag-abuso si Soller sa kaniyang tungkulin bilang pulis.
Tiniyak din ni Banac na patas ang gagawing imbestigasyon kay Soller na ngayo’y nasa floating status na matapos kasuhan ng murder, frustrated murder at planting of evidence sa Marikina City Prosecutor’s Office.
Nanindigan din ang PNP na iginagalang nila ang rule of law at karapatang pantao sa kanilang operasyon.
Oktubre 5 nang barilin ni Soller sina Kim Lester Ramos na napatay habang nakaligtas naman si Lauro Lagarde dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)