Kinasuhan na ng murder at attempted murder ang pulis kalookan na akusado sa pamamaril at pagpatay sa anim na taong gulang na si Gian Habal.
Kahapon ay nagtungo sa Caloocan Prosecutors Office si Corporal Rocky Delos Reyes upang sumailalim sa inquest proceeding dahil sa pagpatay kay Habal at tangkang pagpatay sa lola ng bata.
Abril 28 nang barilin ni Delos Reyes si Habal sa labas ng bahay nito sa Camarin.
Ayon kay Caloocan City Police Chief, Col. Restituto Arcangel, kakasuhan sana ng homicide ang pulis subalit itinaas ito sa murder dahil binaril ang paslit sa noo nang malapitan.
Wala anyang ebidensya na nagkaroon ng shootout sa pagitan ni Delos Reyes at isang Joevannie Mosquito na isang wanted drug suspect.
Samantala, nahaharap din ang suspek na pulis sa administrative case dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa isang birthday party noong isang taon at pag-inom ng alak habang naka-duty.