Sinibak na ang pulis na inakusahan ng tokhang for ransom.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, isinailalim na sa restrictive custody ang hindi pinangalanang Senior Police Officer 3.
Kinumpirma ni Dela Rosa na nahaharap sa reklamo ang nasabing pulis at isang kasama nito kaugnay sa pag-kidnap sa Koreanong negosyante na si Jee Ick-Joo noong October 18.
Pinasok umano ng mga suspect ang tahanan ng Koreano sa Angeles City, Pampanga at inakusahan itong may kinalaman sa iligal na droga.
Batay sa salaysay ng maybahay ng Koreano na si Choi Kyung-Jin, maging ng kanilang kasambahay na si Marisa Dawis, P540,000 halaga ng mga alahas at iba pang gamit ang nawala matapos halughugin ang kanilang bahay.
Pilit na pinasakay si Dawis at ang amo nitong lalaki sa isang Toyata Hilux at ibiniyahe sila papunta sa Quezon City Memorial Circle kung saan, nang makarating doon, pinalipat si Dawis sa ibang sasakyan.
Pinauwi rin ang nasabing kasambahay kinabukasan matapos bigyan ng P1,000 pamasahe.
Samantala, nagbigay ng 5 Milyong ransom ang maybahay ng Koreanong negosyante ngunit hiningan pa siya ng mga kidnapper ng apat at kalahating milyong pisong dagdag.
By: Avee Devierte