Hindi napigilan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang kaniyang pagkadismaya matapos na maaresto ang isa na namang pulis na sangkot sa katiwalian.
Ito’y makaraang maaresto ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa harap mismo ng Kampo Crame ang suspek na kinilalang si P/MSgt. Edmund Olavanio.
Batay sa ulat ni IMEG Director P/BGen. Flynn Dongbo sa PNP Chief, naaresto si Olavanio sa ikinasang entrapment operation sa bahagi ng Col. Boni Serrano kagabi matapos na positibong tanggapin ang marked money.
Inireklamo si Olavanio matapos manghingi ng 6,000 piso sa mga aplikante sa pagkapulis na nais mapasama sa final list ng mga manunumpang bagong pulis sa Hulyo 30.
Nabatid na ginagamit ni Olavanio ang kaniyang puwesto sa PNP Crime Laboratory Group para isakatuparan ang iligal na gawain,
Sinabi ni Eleazar iniimbestigahan na ng IMEG ang kaso at inaalam kung sinu-sino pa ang mga kasabwat nito upang mapanagot sa kanilang kabulastugan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)