Nanindigan ang pulisya na walang mali sa ginawa nilang pag-aresto sa babaeng grab driver na nambastos na at nanakit pa ng isang pulis sa isang mall sa Taguig City kamakalawa dahil sa away trapiko.
Ayon kay P/Capt. Ronald Saquilayan, iginiit nito na ang grab driver na si Mary Florence Norial ang naunang lumabag 1st come, 1st serve policy sa parking ng isang coffee shop sa nasabing lugar.
Giit pa ng pulis, hindi rin kinilala ni norial ang kaniyang awtoridad kahit pa nagpakilala na itong miyembro ng pulisya at sa halip ay lalo pa siyang sinaktan at kumuha pa ng video sa cellphone.
Ito aniya ang dahilan kaya’t napilitan silang arestuhin si Norial dahil sa labis-labis na abalang idinudulot nito hindi lamang sa mga motorista kung hindi maging sa mga parokyano ng nasabing coffee shop.
Mariin ding itinanggi ni Saquilayan na napagkaitan ng karapatan si Norial dahil binasahan ito ng Miranda Rights at hindi nila kinumpiska ang cellphone nito kahit pa kumuha siya ng video.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi totoo ang paratang ni Norial sa mga pulis na hindi siya pinayagang tumawag sa kaniyang abogado dahil hawak nito ang kaniyang cellphone buhat nang magsimula hanggang matapos ang gulo.