Tinawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte si PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa makaraang malaman na may isang opisyal ng pulisya ang tumutulong at may karelasyon pang miyembro ng Abu Sayaf.
Ayon sa PNP Chief, galit na galit ang Pangulo nang mabalitaan nito ang nasabing balita kaya’t ini-utos ng Pangulo na kasuhan si Supt. Maria Christina Nobleza.
Kasong illagal posession of firearms, harboring of criminal at conspiracy to commit terrorism ang isasampa laban sa nasabing opisyal.
Dagdag pa ng PNP Chief, nadis-armahan na rin nila si Nobleza at iniimbestigahan ang mga tauhan nito para mabatid kung mayruon pang kasabwat ang Abu Sayaf sa loob ng pulisya.
kauganay nito, nilinaw ng pambansang pulisya na hindi nagsisilbi bilang deep penetrating agent ng pulisya si Supt. Maria Christina Nobleza.
Ito’y makaraang maaresto si Nobleza na napag-alamang may karelasyong miyembro ng Abu Sayaf.
Binigyang linaw ng PNP Chief na wala siyang utos kahit kanino para pasukin at kumuha ng impormasyon mula sa mga bandido.
Naniniwala ni Dela Rosa na posibleng nagamit na ng Abu Sayaf si Nobleza para maka-access sa mga resources ng gubyerno.
Gayunman, tiniyak ng PNP Chief na walang naibahaging mahalagang impormasyon si Nobleza dahil wala naman itong access sa Intelligence ng PNP.
By: Jaymark Dagala