Hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang pulis na nag-viral sa video sa social media dahil sa panunutok nito ng baril sa kapatid at kinakasama ng kanyang kasintahan.
Kinilala ni QCPD Director, Brig. Gen. Remus Medina ang suspek na si Corporal Wesley Hernandez, na nakatalaga sa Holy Spirit Police Station–14.
Nakilala naman ang mga biktima na sina Catherine Mojica, trenta’y syete anyos at live-in partner nitong si Shaun Anthony Dolor, kwarenta’y tres anyos, kapwa residente ng Diego Silang Street, Barangay Pasong Tamo.
Base sa imbestigasyon, mag-a-alas nwebe ng gabi noong April 29 nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng mga biktima.
Nag-ugat ang insidente sa away ng magkasintahang si Hernandez at Jennelyn Mojica na kapatid ni Catherine.
Binato umano ng pulis ng helmet si Jennelyn na nakita naman ni Catherine kaya agad na kinuha nito ang cellphone upang kunan ng video ang pag-aamok ni Hernandez na noo’y hinihinalang lasing.
Lalong nagalit si Hernandez at bumunot ng baril at tinangkang tutukan si Catherine at nagbantang papatayin kaya’t tinawag na ng biktima si Dolor na nauwi naman sa komprontasyon.