Dumipensa ang Philippine National Police Internal Affairs Service o PNP-IAS sa rekomendasyon nito laban sa pulis na bumaril at nakapatay sa isang binatilyong may autism sa Valenzuela City .
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, inirekomenda nilang patawan ng 40 araw na suspensyon si P/SMSgt. Christopher Salcedo dahil sa nagkamali lamang ito sa paghawak ng baril.
Si Salcedo ay isa sa apat na pulis na rumesponde at nagsagawa ng raid sa nangyayaring tupada sa lungsod ng Valenzuela noong isang taon na nakabaril at nakapatay sa binatilyong si Erwin Arnigo na may autism.
Paliwanag ni Triambulo, salig sa inilabas na circular ng National Police Commission o NAPOLCOM ang katumbas nito sa kasong kriminal ay reckless imprudence resulting to homicide.
Habang disciplinary action lamang ang ipinataw kay Salcedo sa kasong administratibo na mababa rin kumpara sa kasong kriminal dahil sa pagkakamali nito.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)