Nagpaalala ang liderato ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga tauhan nito na maging responsable sa paggamit ng kanilang mga baril.
Ito’y kasunod ng nangyaring pamamaril ng isang pulis sa Catanduanes na nagresulta sa pagkamatay ng kaniyang mag-ina at sa huli ay nagpatiwakal din.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, ikinalungkot nila ang nangyari kaya’t magsilbing paalala dapat ito sa lahat ng pulis na palagiang obserbahan ang kanilang gun safety training.
Una rito, umuwi sa kanilang tahanan ang pulis na si Patrolman Jaymar Malasa mula sa isang inuman nang makaalitan nito ang kaniyang asawa na nagresulta sa pamamaril.
Tinamaan ng bala ng baril ang asawa nito at tumagos pa hanggang sa kanilang anak na nagresulta sa agaran nilang kamatayan at sa huli ay kinitil din ng pulis ang kaniyang sariling buhay.
Paalala ng PNP Chief, ang baril ay ginagamit para tuparin ang kanilang mandato na protektahan at paglingkuran ang sambayanan at hindi para ilagay sa kanilang sariling kamay ang batas.