Pinarangalan ng PNP o Philippine National Police ang pulis na sinabuyan ng taho ng isang estudyanteng Chinese national matapos itong harangin sa Boni Station ng MRT noong Sabado.
Ang paggagawad ng medal of commendation kay PO1 William Cristobal ay kasabay ng isinagawang flag raising ceremony at paglulunsad ng kabataan kontra droga at terorismo sa Kampo Krame ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, kanilang ipinagmamalaki si PO1 Cristobal dahil sa ipinakita nitong pasensiya at pagiging mahinahon sa kabila ng ginawang pambabastos ng isang dayuhan.
PO1 William Cristobal na sinabuyan ng taho ng isang Chinese national sa MRT-3, pinapurihan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/JHOGBwldV5
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) February 11, 2019
Patunay aniya ito ng pagiging pasensyoso, mahinahon at mababang loob ng mga pulis ngayon sa pagharap sa anumang sitwasyon.
Sinabi naman ni Cristobal na bagama’t aminado siyang nanliit siya sa ginawa ng Chinese national na si Jiale Zhang, pinili na lamang niyang manahimik at hayaan ang proseso ng batas sa bansa.