Nakilala na ang pulis na sugatan sa pagsalakay ng armadong grupo sa probinsya ng Maguindanao mag a-alas otso kagabi.
Ito ay si PO1 Usman Datuan ng Datu Unsay Maguindanao Municipal Police Station.
Sinabi ni Maguindanao Philippine National Police (PNP) Provincial Director Senior Superintendent Agustin Tello na sinalakay ng tinatayang 50 miyembro ng BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang municipal police station ng Datu Unsay.
Kasabay nito, inatake ng mga rebelde ang army detachment sa bayan ng Datu Unsay at Datu Saudi Ampatuan.
Tumagal ng isang oras ang palitan ng putok ng magkabilang panig kaya’t lumikas na rin ang maraming sibilyan.
Umatras ang mga rebelde nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 105 millimeter howitzers cannon.
Wala namang tinamaan sa mga sundalo habang hindi matiyak ang casualties sa BIFF.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy ang pursuit operation ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa mga liblib na lugar sa Maguindanao.