Muling sumipa sa 156 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahilan upang umakyat sa 30,156 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng virus.
Mula sa kabuuang bilang ayon sa PNP Health Service, 957 dito ang aktibong kaso matapos makapagtala ng 115 bagong gumaling sa sakit kaya’t pumalo na sa 29,117 ang total recoveries.
Kabilang na sa mga naitalang bagong kaso ang 51 pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na una nang ipinakalat sa SONA noong Lunes na nagpositibo kalaunan sa virus.
Kasunod nito, malungkot na ibinalita ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang pagkasawi ng isang Pulis Crame dahil sa virus na siyang ika-82 sa kanilang hanay.
Ang nasawi ay isang lalaking Pulis may ranggong Police Staff Sergeant at nakatalaga sa Base Police Station – Camp Security Escort Unit sa ilalim ng Headquarters Support Service sa Kampo Crame.
Hulyo a-11 nang magpositibo ang naturang Pulis sa virus at agad dinala sa quarantine facility subalit isinugod din sa ospital nuong Hulyo a-24 dahil sa hirap sa paghinga.
Hulyo a-27, hindi na kinaya ng Pulis at nasawi dulot ng Acute Respiratory Failure at Pneumonia sanhi ng COVID-19.
Nagpaabot ng pakikiramay ang PNP Chief sa pamilya ng nasawing Pulis at tiniyak ang naaangkop na tulong para sa kaniyang mga naulila. —sa panulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)