Mahigpit na pinaalalahanan ng Philippine National Police o PNP ang kanilang mga tauhan na huwag papasok sa anumang uri ng sugal partikular na ang Sabong.
Ayon kay PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos, nakasisira sa kanilang imahe na siyang nagpapatupad ng batas laban sa mga gumagawa ng mali subalit sila mismo ang sangkot sa mga ganitong gawain.
Kahapon, pormal nang ipinagharap ng reklamo sa Oriental Mindoro Provincial Prosecutor’s Office si P/Cpl. Leonell Maranan ng Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion ng MIMAROPA PNP.
Si Maranan ang Pulis na nahuli sa akto ng mga humuli sa kaniyang Barangay Tanod na nanloob at nagtangkang magnakaw sa isang Hardware sa Brgy. Sta. Maria, bayan ng Gloria dahil sa pagkalulong sa Online Sabong.
Mismong si Gloria Municipal Police Station Chief, P/Maj. Edwin Villarba ang naghain ng 2 kasong kriminal laban kay Maranan partikular na ang attempted robbery at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagdadala nito ng armas.
Gayunman, pansamantalang makalalaya si Maranan dahil sa pinapayagan ng batas na makapaglagak siya ng piyansa sa mga kasong kaniyang kinahaharap. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)