Arestado ang isang miyembro ng Police Security and Protection Group (PSPG) sa Calamba City, Laguna matapos mahuli sa aktong nagmamaneho ng nakaw na kotse.
Kinilala ang inarestong pulis na si Chief Master Sgt. Allan Casañas na nagmaneho ng nakaw na Toyota Innova.
Ayon sa Calamba City Police, nakatanggap ng ulat ang Integrity Monitoring and Enforcement Group sa Calabarzon hinggil sa pagmamaneho ni Casañas ng “hotcar” kaya’t minanmanan nila ito.
Nang matiyempuhan ay walang naipakitang papeles ang suspek na nagpapatunay na ligal ang kotseng kanyang minamaneho.
Nadiskubre naman na ang naturang sasakyan ay pagmamay-ari ng isang Jeanete Gisalan na taga-Maynila na nagsumbong noon pang 2012.
Natuklasan din na ang plaka ng Innova na PBI-531 ay galing sa isa pang kotse na isang itim na Ford Focus Hatchback. -sa panulat ni Mara Valle