Patay sa pananambang ang isang pulis habang sugatan ang dalawang kasamahan nito sa bayan ng Tupi, lalawigan ng South Cotabato.
Kinilala ni Police Regional Office 12 Director P/BGen. Michale John Dubria ang nasawi na si P/SSgt. Renante Espero habang ang mga sugatan naman ay kinilalang sina P/SSgt. Rey Jerome Silvederio at P/SSgt. Jorex Velasco.
Batay sa ulat ni Tupi Municipal Police Chief Capt. Junel Rey Gatera, nakasakay ng isang SUV ang mga hindi pa kilalang salarin nang tambangan nito ang grupo nila Espero sa Purok 15-B, Brgy. Polonuling.
Dead on the spot si Espero habang kasalukuyan nang nagpapagaling sa ospital sina Silvederio at Velasco na nasa ligtas nang kalagayan.
Pawang naka-assign sa regional police holding and accounting unit sa General Santos City ang mga biktima na dating nakadestino sa Koronadal City PNP.
Dahil dito, agad nagkasa ng hot pursuit operations ang mga tauhan ng pulisya sa lugar habang kasalukuyan pang inaalam ang motibo sa nangyaring pananambang.