Dead-on-arrival ang isang pulis na sangkot sa iligal na pagbebenta ng baril matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Masbate Police Station.
Kinilala ang suspek na si Staff Sgt. Grafilo Pahilino Jr. Na nakadestino sa Cataingan Municipal Police Station.
Ayon sa mga tauhan ng Bicol Police Station, agad silang nagkasa ng entrapment operation matapos makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen kaugnay sa iligal na aktibidad.
Nabatid na tatlong kalibre .38 revolver at isang kalibre .45 na baril ang ibinenta umano ng suspek sa isang poseur-buyer kapalit ng halagang P25, 000.
Nakuha din sa suspek ang isang government-issued 9mm pistol at 2 extra na magasin kung saan, matapos ang palitan ng item ay agad na napansin ng suspek ang papalapit na mga pulis kaya agad na binunot ng pulis ang kaniyang baril at pinaputukan ang nasabing poseur-buyer na tinamaan sa braso.
Agad namang gumanti ng putok ng baril ang mga awtoridad dahilan ng agarang pagkamatay ng suspek.
Napag-alaman na ang nasawing suspek ay matagal na umanong sangkot sa pagbebenta ng mga hindi lisensyadong baril sa nasabing lugar. —sa panulat ni Angelica Doctolero