Patay ang isang pulis matapos tambangan ng mga hindi pa tukoy na salarin sa Barangay Cristo Rey, Capas, Tarlac, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Police Regional Office 3 Director P/Bgen. Val De Leon ang biktima na si P/Ssgt. Michael Maun na naka-assign sa Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group na nakabase sa Clark International Airport sa Pampanga.
Batay sa ulat ng Tarlac PNP, papasok na si Maun sakay ng kulay itim na kotseng Sedan nito nang harangin siya ng isang SUV lulan ang mga salarin.
Bumaba ang dalawang lalaki sa lugar na hindi kalayuan sa bahay ng biktimang pulis at saka pinaulanan ito ng bala at agad na nagsitakas sa direksyon patungong Concepcion.
LOOK: Pulis, patay sa pananambang sa Capas, Tarlac ( courtesy: PRO 3) | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/tmtFzZ9hOO
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) June 8, 2021
Nagawa pang isugod sa pagamutan ang duguang pulis subalit hindi na ito pinalad at idineklarang dead on arrival ng mga sumuring doktor.
Mariing kinondena ni De Leon ang pangyayari at agad nitong inatasan ang lahat ng police unit commanders sa kaniyang nasasakupan na maging alerto para sa mabilis na ikatutugis ng mga salarin.