Patay matapos tambangan ng mga hindi pa tukoy na salarin ang isang pulis sa Cagayan De Oro City, hapon nitong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Patrolman Roy Aguas na naka-destino sa regional personnel holding and accounting unit ng Northern Mindanao Police Regional Office.
Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na sana si Aguas mula sa kaniyang duty sa Camp Alagar sakay ng kaniyang motorsiklo.
Pagsapit nito malapit sa isang vulcanizing shop sa bahagi ng national highway sa Brgy. Lapasan ay doon na siya pinaputukan ng salarin.
Nagtamo ng limang tama ng bala ng baril sa ulo si Aguas na nagresulta sa agaran nitong kamatayan habang tinangay naman ng salarin ang kaniyang service firearm.
Nabatid na nagsilbi ring bodyguard si Aguas ng pinaslang na alkalde ng Clarin, Misamis Occidental na si David Navarro.