Sinibak na sa pwesto ang Pulis –San Juan sa nag-viral na video sa social media matapos sigawan, murahin at pagbantaan ang isang call center agent sa isang tindahan sa lungsod.
Ayon kay NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar, ipinag-utos niya na ang pag-relieve kay Police Senior Master Sergeant Arnulfo Ardales na nakatalaga sa Police Community Precint 3 ng San Juan City Police Station.
Aniya, inilipat muna si Ardales sa district headquarters ng support unit ng Eastern Police District habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pangyayari.
Dagdag ng opisyal, tinanggalan na rin ng tsapa at service firearm si Ardales alinsunod na rin aniya sa kautusan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde.
Kasabay nito, pina-aalalahanan ni Eleazar ang mga pulis na palagiang maging pasensyoso na isa sa mga kinakailangang katangian ng mga tagapanglingkod ng bayan.
Tiniyak din ni Eleazar ang kaligtasan ng call center agent na si Aaron Oliver Estrada at pamilya nito kasundo ng pagsasampa ng reklamo laban kay Ardales.
Kwento ng biktima na si Estrada, pinagmumura, sinigawan at pinagbantaan siya ni Ardales nang magalit ito dahil sa pagsingit niya umano habang pareho silang bumibili sa isang sari-sari store sa Barangay Ermitano sa San Juan City.