Patay ang isang aktibong pulis habang tatlong iba pang kasamahan nito ang arestado sa nangyaring engkuwentro sa bahagi ng FTI construction site, Western Bicutan Taguig City.
TINGNAN:
Pulis-Taguig patay at 3 pang kasamahan arestado sa kidnapping.
: NCRPO pic.twitter.com/fcodz51aIj— DWIZ Newscenter (@dwiz882) July 31, 2018
Kinilala ni Taguig City Police Chief Superintendent Alexander Santos ang nasawing pulis na si PO1 Gererdo Ancheta at mga naarestong sina PO1 Bryan Amir Bajo, PO1 Paolo Ocampo at PO2 Joey Maru na kapwa nakatalaga sa Police Community Precint 1 at hinihinalang miyembro ng kidnap for ransom group.
Ayon kay Santos, marami na silang natanggap na reklamo laban sa mga iligal na gawain ng mga nabanggit na pulis kaya nagkasa na sila ng isang entrapment operation kung saan nasawi si Ancheta.
Batay sa imbestigasyon, unang dinukot ng mga suspek na pulis ang isang babae na ka-live in partner ng isang dating drug dealer at hiningan ng limampung libong piso (P50,000).
Habang, pasado alas-12:00 ng hatinggabi nang dinukot din ng mga suspek ang isa pang babaeng may dati ring kasong may kaugnayan sa drugs at pinatutubos ng dalawang daang libong piso (P200,000).
Mahaharap naman ang mga naarestong pulis sa patung-patong na kaso.
Samantala, sinibak na sa puwesto ang lahat ng tauhan ng Police Community Precinct-1 ng Western Taguig City kabilang ang kanilang PCP Commander.
Ito ay matapos masangkot sa kidnap for ransom activity ang apat nilang kasamahan kung saan nasawi pa sa ikinasang entrapment operation ang isa sa mga ito.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, epektibo agad ngayong araw ang pag-relieve sa 39 na tauhan ng PCP-1 Taguig.
Sinabi ni Albayalde, ililipat ang mga ito sa regional headquarters para sa isasagawang imbestigasyon.
Ipakikita aniya ang larawan ng lahat ng mga tauhan ng PCP-1 Taguig sa mga biktima ng kidnap for ransom para matukoy kung meron pang ibang kasamahan ang mga suspek na pulis.
(Ulat ni Gilbert Perdez)