Mayroon nang lead ang Lapu-Lapu Police sa kaso ng teenager na natagpuang patay sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Lapu-Lapu City.
Ayon kay Senior Supt. Armando Radoc, Officer in Charge ng Lapu-Lapu PNP, nakatanggap sila ng impormasyon na tumugma sa mga naunang resulta ng isinagawa nilang imbestigasyon.
Itinuwid rin ni Radoc ang mga naunang report na brutally raped at murdered ang biktimang si Karen Montebon dahil batay sa resulta ng otopsiya, intact ang hymen ng biktima.
Isang babae at isang lalake ang lumalabas na suspect ngayon sa pagpatay kay Montebon dahil sila ang nakita ng mga kapitbahay sa tapat ng bahay ng biktima noong umaga bago ito natagpuang patay.
Duda rin si Radoc na pagnanakaw ang motibo sa pagpatay kay Montebon dahil tanging ang gadgets ng teenagers ang kinuha ng suspects.
“Hindi ‘yung sa pamilya parang wala po, ‘yung personal yung in between lang sa biktima at sa suspect, isa rin ang sa robbery na tinitignan natin dahil nawawala ‘yung ipad at camera ng biktima, sabi nga ng elder sister mas mahal pa ang ibang items doon na nakalatag lang sa lamesa na hindi naman pinakialaman, so nakikita ko parang merong hinahanap doon sa personal gadget ng biktima.” Pahayag ni Radoc.
Prayer vigil isinagawa
Sinuspinde ang klase sa tatlong campus ng University of San Carlos sa Cebu, kahapon.
Ito’y upang magbigay daan sa isasagawang prayer vigil at ipanawagan ang katarungan para kay Karen Kaye Montebon, 17-anyos at Accountancy student ng naturang pamantasan.
Daan-daang estudyante ang lumahok sa prayer vigil na isinagawa sa USC Main Campus sa Cebu City; USC-Talamban Campus at USC-South Campus sa V. Rama Avenue.
Karamihan sa mga mag-aaral ay nagsuot ng itim na t-shirt bilang pakiki-simpatya at pagluluksa habang nagbigay ng emosyonal na talumpati ang kaibigan ni Montebon na si Trisha Guzman.
Isang candle lighting ceremony din ang idinaos habang inaasahang magtutungo ang mga estudyante ng USC sa burol ng dalagita sa Saint Peter’s Funeral Homes sa Mandaue City sa Linggo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Drew Nacino