Mahigpit pa ring makikipag-ugnayan ang Joint Task Force COVID-19 shield sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa bansa lalo na sa mga lugar na may matataas ang kaso ng COVID-19.
Ito’y ayon kay Task Force Commander P/Ltg. Cesar Hawthorne Binag bilang paghahanda na rin sa pagdagsa ng publiko sa mga matataong lugar ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Binag, paiigtingin pa nilang lalo ang pagpapakalat ng mga tauhan katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) gayundin ang Philippine Coast Guard sa mga tinatawag na places of convergence.
Binigyang diin ni Binag, bagama’t nakapailalim pa rin ang bansa sa community quarantine dahil sa COVID-19, kinakailangan pa ring tutukan kung nasusunod ba ang minimum health protocols dahil pananagutan ito ng bawat isang Pilipino.