Anggulo sa pulitika, negosyo, at droga ang tututukan ng mga awtoridad sa nangyaring pananambang kay Clarin, Misamis Occidental, Mayor David Navarro nitong Biyernes.
Pahayag ng binuong Special Investigation Task Group Navarro, kabilang umano si Navarro sa listahan ng mga High-Value Target o HVT, gayundin sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Police Col. Gemma Vinluan, direktor ng Cebu City Police, maaaring isang organisadong grupo ang nasa likod ng pamamaslang.
Matatandaang pinagbabaril si Navarro ng hindi pa nakikilalang mga salarin habang sakay ng police mobile papuntang piskalya matapos ireklamo ng panggugulpi ng isang masahista.
Sinasabing bago ang insidente ay nakakatanggap na ng mga pagbabanta sa buhay ang nabanggit na opisyal.
Samantala, mariin ding itinanggi ng pamilya ng alkalde na dawit sa droga ang biktima.