Nakatakdang tumulak patungong Legazpi City sa Albay si Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Egco.
Ito’y para alamin at imbestigahan ang panibagong kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Joel Llana ng DWZR Community Radio sa Legazpi City noong Biyernes.
Sa panayam ng DWIZ kay Egco, nakipag-ugnayan na sila sa counter intellegence task force ng pambansang pulisya na siyang tumututok din sa imbestigasyon.
“We don’t condemn people at their acts so we have to rectify, we have to correct kasi syempre, may mga pinag-u-ugatan yan eh, di ka naman tatakutin o papatayin nang walang motibo kaya ika nga no, may mga pinag-ugatan. Aalamin natin yan kasi gusto kong malaman din kaya ako pupunta doon sa lugar nila Joey kung merong nanakit sa kanya, I’m sure meron siyang kakampi, sino yun? So para matulungan nila yung pamilya.”
Una rito, inatasan na ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde ang Police Regional Office 5 na gawing prayoridad ang imbestigasyon sa pagpatay kay Llana.
Pagtitiyak pa ni Albayalde, tiyak na mananagot sa batas ang sinumang mapatutunayang nasa likod ng krimen sa lalong madaling panahon.
Pero ayon kay Egco, kung mapatutunayan na may kaugnayan sa trabaho ang pagpatay kay Llana, mahahanay na ito sa ika- 12 kaso ng pagpatay sa mga mediamen sa ilalim ng administrasyon.
“May nakuha daw apparently na sachet ng shabu. Nung araw after the interview, may nag feedback sa akin, tawas daw yun, tawas. Hindi daw talaga shabu. Sige, sabi ko. Pero hinihintay natin yung report nung special investigation task group na nakatutok diyan sa kaso ni Joel Llana so hangga’t hindi dumadating yon, di natin malalaman.”
Naniniwala rin si Usec. Egco na karaniwan sa mga napapatay na mamamahayag ay biktima lamang ng matindi at mainit na geo-political climate tulad ng mga nasa lalawigan.
“Kasi when you go cases na nahahati ang awayan ng political warlords, alam mo na,.. especially in Mindanao yung mga most ano sa regions natin, naroroon. Sa ating tala, andoon yung mga pinakamalaking kaso ng media kilings for example na nga yung sa Maguindanao massacre.”