Pursigido ang susunod na adminstrasyon na wakasan na ang deka-dekadang communist insurgency sa lalong madaling panahon.
Ito ang inihayag ni incoming Peace Adviser Jesus Dureza sa gitna ng panunumbalik ng peace negotiations sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NDF sa pangunguna naman ni Jose Maria Sison sa Oslo, Norway sa June 14 hanggang 15.
Ayon kay Dureza, maaaring talakayin sa pulong ang issue ng pagbibigay ng general amnesty para sa lahat ng political prisoners at interim mutual ceasefire.
Isinaayos anya ang preliminary talks ng norwegian government na umaakto bilang third-country facilitator para sa peace negotiations sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines.
Kasama ni Dureza sa Oslo sina incoming Labor Secretary Silvestre Bello at dating Pangasinan Rep. Hernani Braganza habang kakatawanin sa NDFP sina Sison, NDFP negotiator at Spokesman Fidel Agcaoili, Chief Negotiator Luis Jalandoni, Julie de Lima-Sison at Connie Ledesma.
By Drew Nacino