Tumangging magkomento ang Malakaniyang hinggil sa umano’y naging pagpupulong sa pagitan nila Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo nuong Miyerkules.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi niya batid ang naturang pulong gayung ang naka-iskedyul lamang aniya nang araw na iyon ay ang send – off ceremonies para sa mga Vietnamese Fishermen na naaresto sa Pangasinan nuong Setyembre.
Bagama’t kinumpirma ni Roque na nagkaroon nga ng isang pribadong pulong ang Pangulo, hindi naman nito masagot kung iyon nga ang sinasabing pakikipag-usap nito sa liderato ng INC.
Giit ni Roque, hindi rin sila magkasama ng Pangulo nang magpunta sila sa Pangasinan dahil mas nauna sa kaniyang umalis ng Malakaniyang ang punong ehekutibo.