Kinansela na ng White House ang nakatakda sanang pakikipagpulong ni US President Barack Obama kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ng US ang pahayag matapos umanong tuligsain at murahin ni Duterte si Obama na nag-ugat sa isyu ng paglaban ng Punong Ehekutibo sa iligal na droga.
Sinasabing makikipagkita sana si Obama kay Duterte sa Laos ngayong linggo kasabay ng ASEAN Summit.
Matatandaang iginiit ng mga White House official na kokomprontahin umano ni Obama si Duterte sa isyu ng extrajudicial killings sa gaganaping summit sa Vientiane.
Una rito, binatikos ni Duterte ang posibilidad na buksan sa kanya ni Obama ang nabanggit na usapin.
Malacañang
Samantala, umaasa pa rin ang Malacañang na matutuloy pa ang pagpupulong nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Barack Obama.
Kinansela ng Amerika ang pulong sana nina Obama at Duterte matapos makatanggap ng mga umano’y insulto mula sa Pangulong Duterte.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, nais lamang ng Pangulo na iparating sa Amerika sa naging pre-departure speech nitong ipaubaya na lamang ng Estados Unidos sa Pilipinas kung paano reresolbahin ang mga isyung kinakaharap nito.
Malinaw naman aniya ang mensahe ni Duterte na hayaan ng Amerika na umiral ang political will sa Pilipinas.
By Jelbert Perdez | Judith Larino