Bukas si Senador Bongbong Marcos sa sandaling kausapin sila ni Pangulong Noynoy Aquino na may kaugnayan sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Gayunman, nagtataka si Marcos kung bakit tila minamadali ng Malacañang ang pagpasa sa BBL gayung hindi naman dapat magtakda ng deadline ang sinuman hinggil dito.
Kasunod nito, ipinauubaya na lamang ni Marcos sa mga administration senators kung mamanipulahin ang BBL para mabilis na maipasa ang nasabing panukalang batas.
Para kay Marcos, buhay at kabuhayan ng mga taga-Mindanao ang pinag-uusapan sa BBL kaya’t dapat isaalang-alang ang lahat ng mga stakeholders para ganap nang makamit ang inaasam na kapayapaan sa Mindanao.
Dumistansya sa maniobra ng mga LP senators sa BBL
Tiniyak ni Senate Committee on Local Government Chairman Bongbong Marcos na maipaaalam sa lahat ng stakeholders ang nilalaman ng panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Reaksyon ito ng Senador makaraang mabunyag na tanging sa pagitan lamang ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at pamahalaan ang naging pag-uusap nang mabuo ang Comprehensive at Framework Agreement on the Bangsamoro gayundin ang binalangkas na BBL.
Sinabi ni Marcos, madali sanang maipapasa ang BBL kung kinausap na ng OPAPP o Office of the Presidential Adviser on the Peace Process mula pa sa simula ang lahat kabilang ang mga Sultanato at Indigenous Communities sa Mindanao.
Sa ganitong paraan aniya, maraming panukala at opinyon ang makakalap upang mas mabilis mahimay ang nasabing panukala at makatiyak na hindi mahaharang ito sa Korte Suprema.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)